Filipino News: Bello susunduin pauwi ang mga natitira pang stranded na OFW

Kasalukuyang nasa Saudi Arabia ngayong linggo si Kalihim Silvestre Bello III ng Paggawa at Empleo upang sunduin ang mahigit 9,000 natirang stranded overseas Filipino workers (OFWs) sa nasabing bansa.

"Ang utos ni Presidente Rodrigo Duterte ay agad iuwi ang lahat ng mga OFWs," ani Bello na pumunta sa nasabing bansa noong 15 Agosto at babalik sa Pilipinas sa 19 Agosto.

Idinagdag ni Kalihim Bello na agad na niyang iniutos ang agarang pagpapauwi sa natitirang 9,000 OFW na na-stranded sa iba't ibang lugar sa Saudi Arabia.

Maliban sa DOLE, ang iba pang ahensiya na kasama sa Saudi Arabia Special Mission ay ang Kagawaran ng Kalusugan (DOH), Kagawaran ng Kagalingan at Pagpapaunlad Panlipunan (DSWD), Tanggapan ng Abogado ng Bayan (PAO) at Kagawaran ng Ugnayang Panlabas (DFA).

Ipinahayag din ni Bello na may ilang OFW na ang nakabalik ng bansa matapos alisin ng pamahalaan ng Saudi Arabia ang multa para sa kanilang iqama o exit clearance.

Kanya ring idinagdag na ang natitirang OFW sa Riyadh, Jeddah, at Al Khobar ay iyong naghihintay ng kanilang monetary claim mula sa kanilang dating employer. Gayunpaman, sinabi ni Bello na may mga OFW pa rin na umaasang makalipat ng ibang trabraho.

Source: Philippine Information Agency