Filipino News:Bello inatasan ang OWWA na tulungan ang pamilya ng mga OFW na namatay sa sunog sa Riyadh

Inatasan ni Kalihim Silvestre H. Bello III ng Paggawa at Empleo ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na asikasuhin ang pagbibigay ng benepisyo at iba pang tulong na nararapat sa pamilya ng mga overseas Filipino workers (OFWs) na namatay sa sunog sa Sulaimania District sa Riyadh, Saudi Arabia.

"Ikinalulungkot ko ang mga nasawing OFWs na namatay sa ibang bansa gayundin sa kanilang pamilya," ani Bello.

Kanyang sinabi na ang OWWA, isang ahensiya ng Kagawaran, ay magbibigay ng tulong sa mga pamilya upang mabawasan ang kanilang pagdurusa sa pagpanaw ng kanilang mga mahal sa buhay.

Sinabi ni Bello, bilang tagapangulo ng OWWA Board of Trustees, na kanyang titiyakin na makukuha ng pamilya ng mga OFW ang mga benepisyo na nararapat sa kanila, kasama na ang insurance at mga hindi pa bayad na sahod mula sa kanilang employer.

Inatasan din ni Kalihim Bello ang OWWA na makipag-ugnayan sa Kagawaran ng Ugnayang Panlabas (DFA) sa pagkilala sa mga biktima, partikular na iyong mga miyembro ng OWWA, at asikasuhin ang tulong-pangkagalingan na nararapat para sa kanila.

Ang mga tagapagmana ng miyembro ng OWWA na namatay sa aksidente ay makakatanggap ng P200,000 na death benefit, samantalang iyong mga nasawi sa natural na sanhi ay makatatanggap ng P100,000. Makatatanggap din sila ng karagdagang P20,000 para sa gastusin sa pagpapalibing.

Maaari ding tumanggap ang mga dependent ng miyembro ng OWWA ng elementary at secondary education subsidies, scholarships sa mga kolehiyo at unibersidad ng pamahalaan, at mga tulong-pangkabuhayan.

Sa kabilang banda, ang naiwang pamilya ng mga nasawi na hindi miyembro ng OWWA ay makakatanggap ng tulong mula sa National Reintegration Center for OFWs.

Ayon sa ulat, kinilala ang mga biktima na sina Sahara Mapandi, 46 taong gulang; Rema Mapandi, 8 taong gulang; Ryan Mapandi, 7 taong gulang; Dodio Guiamat, Karen Anne Guiamat, 31 taong gulang at Aneeka Guiamat, 1 taon at 3 buwan. Si Karen Anne, na nagtatrabaho bilang nurse sa Riyadh Military Hospital, ay apat na buwang buntis.

Ayon kay Taugan Mapandi, kabiyak at ama ng mga nasawing miyembro ng pamilya Mapandi, umalis siya ng kanilang tahanan ng bandang alas-sais ng umaga noong nakaraang Sabado upang magtrabaho habang tulog pa ang kaniyang pamilya. Nakatanggap siya ng tawag bandang alas-siyete ng umaga mula sa caretaker ng kanilang tinitirhan upang ipaalam sa kanya ang sunog.

Nang dumating siya sa nasabing lugar, naitakbo na sa iba't ibang ospital ang tatlo sa mga miyembro ng pamilya Mapandi. Nang pumunta siya sa ospital nalaman niya na namatay sila dahil sa suffocation.

Source: Philippine Information Agency